Ayon sa mga nakapanood na ng palabas
ng Frozen at pati na rin ang mga kritikong trabaho ang manood ng mga palabas at
isalaysay ang mga pagmumuni nila sa mga ito, isa na ito sa mga pinakamagandang
palabas na inilabas ng Disney sa siglong ito. Kumpleto raw ang pelikulang ito: may
magagandang mga kanta, madaling mahalin ang mga tauhang tulad nina Olaf at Sven,
may halong drama, komedi, at suspense, at higit sa lahat, nakaaantig
ng puso ang kuwento ng magkapatid na prinsesa na sina Elsa at Anna.
Higit pa rito, maraming nagsasabi na
binabatikos nito ang nakasanayan nang “knight in shining armor” na ang tanging
makapagliligtas sa isang “damsel in distress.” Sinasabi ring hindi tulad ng iba
pang mga pelikulang Disney, kuwento ito ng dalawang magkapatid na mahal na
mahal ang isa’t isa, at ipinakita na hindi nila kailangan ng lalaki sa buhay
nila upang maging masaya (bagamat nandun si Kristoff na naging kasintahan ni
Anna sa huli).
Ngunit,
peminista nga ba ito at wala na ang mga bahid ng pagiging patriarkal? Hindi.
Bagamat nangingibabaw ang mga babae at pagmamahal sa pamilya sa pelikulang ito,
kung titignang maigi, mapapansin na may mga detalye pa rin na magpapatunay na
ang patriarkal pa rin ito.
PANGARAP
Sa eksena kung saan kumakanta si Anna tungkol sa pagbubukas ng palasyo at sa mga bagong mararanasan niya dahil dito, may isang bahagi kung saan nabanggit niya ang tungkol sa kaniyang pinakahihintay na makilala ang "The one." Mula sa kaniyang kanta,
And I know it is totally crazy
To dream I'd find romance
But for the first time in forever
At least I've got a chance
To dream I'd find romance
But for the first time in forever
At least I've got a chance
makikita na hangad niya ang makilala ang isang lalaki na iibigin siya sa kung sino siya. Kung titignan pa ang bahaging ito ng kaniyang kanta, mapapansin ang pinapangarap niyang lalaki na magiging sanhi ng kasiyahan niya.
Hindi sa ganitong pag-ibig umiikot ang pelikula ngunit, dito makikita na bagamat tungkol nga ito sa relasyon ng magkapatid, walang kahit anong linya sa kuwento ni Anna ang tungkol sa kaniyang ate. Mas binigyang pansin niya rito ang makakilala ng isang lalaking makapagpapasaya sa kaniya.
PAG-IBIG
Sinasabi ng mga manonood na dahil sa
linyang “You can’t marry a man you just met,” ay masasabing ibang-iba na ito sa
mga naunang pelikula ng Disney. Kadalasan, may “love at first sight” sa mga
pelikulang ito at sa huli ang dalawa na rin ang magkakatuluyan. Sa simula pa
lamang ng pelikula, makikilala ni Anna si Hans, isang prinsipe mula sa ibang
kaharian, at agad-agad na mahuhulog ang loob dito. Higit pa rito, nang malaman
niya na niloko lamang sila ni Hans para makuha ang trono, napagtanto niya na
hindi talaga si Hans ang mahal niya kundi si Kristoff.
Oo, pagmamahal sa kapatid ang
iniikutan ng pelikula at hindi pagmamahal sa isang lalaki. Oo, wala ring
naganap na kasalan sa isang lalaking bagong kakilala pa lamang. Ngunit, hindi
maipagkakaila na malaki pa rin ang naging papel ng dalawang lalaki (Hans at
Kristoff) sa mga naging desisyon ni Anna. Hindi maitatanggi na naging “saklay”
pa rin ng mga desisyon ng babae ang lalaki.
KATAWAN
Layunin ng peminismo ang bawiin ng
mga babae ang kanilang katawan upang hindi ito maging anyo ng kahinaan ng mga
babae. Sa gitna ng pelikula, makikita ang pagkakaroon ni Elsa ng lakas ng loob
at ng pagiging mapag-isa sa pagtakas niya sa kaniyang desisyon na ilabas ang
tunay niyang sarili nang hindi pinapansin ang iniisip ng ibang tao. Bagamat
binibigyan nito ng kalakasan ng loob ang mga babae, inilalantad rin ng
pagbabago niyang ito ang kaniyang katawan. Mula sa konserbatibong pananamit,
napunta sa pagsuot niya ng matataas na heels
at pagpapakita ng kaniyang hita. Bagamat layunin nga ng peminismo ang bigyang
kapangyarihan ang mga babae, hindi dapat ang katawan ang gamitin upang makamit
ito.
![]() |
Pagkatapos |
![]() |
Bago |
Hindi maipagkakaila na isang magandang pelikula ang "Frozen" dahil sa mensahe na ipinaparating nito sa mga manonood. Higit pa rito, ipinakita rin nito ang pagmamahalan ng dalawang magkapatid at kung paano naayos ang relasyon nila matapos ang matagal na panahong hindi nag-uusap.
Bagamat
may mga peminismo ring elemento ang pelikulang ito, mapagkakakitaan pa
rin ito ng mga pangyayaring tataliwas sa nais nitong ipahayag. Ngunit, hindi dahil nagpapakita ito ng patriarkal na kaisipan sa lipunan ay hindi na ito maganda.