Friday, February 7, 2014

Peminista nga ba ang "Frozen?"



           

Ayon sa mga nakapanood na ng palabas ng Frozen at pati na rin ang mga kritikong trabaho ang manood ng mga palabas at isalaysay ang mga pagmumuni nila sa mga ito, isa na ito sa mga pinakamagandang palabas na inilabas ng Disney sa siglong ito. Kumpleto raw ang pelikulang ito: may magagandang mga kanta, madaling mahalin ang mga tauhang tulad nina Olaf at Sven, may halong drama, komedi, at suspense, at higit sa lahat, nakaaantig ng puso ang kuwento ng magkapatid na prinsesa na sina Elsa at Anna.
            Higit pa rito, maraming nagsasabi na binabatikos nito ang nakasanayan nang “knight in shining armor” na ang tanging makapagliligtas sa isang “damsel in distress.” Sinasabi ring hindi tulad ng iba pang mga pelikulang Disney, kuwento ito ng dalawang magkapatid na mahal na mahal ang isa’t isa, at ipinakita na hindi nila kailangan ng lalaki sa buhay nila upang maging masaya (bagamat nandun si Kristoff na naging kasintahan ni Anna sa huli).
Ngunit, peminista nga ba ito at wala na ang mga bahid ng pagiging patriarkal? Hindi. Bagamat nangingibabaw ang mga babae at pagmamahal sa pamilya sa pelikulang ito, kung titignang maigi, mapapansin na may mga detalye pa rin na magpapatunay na ang patriarkal pa rin ito.

PANGARAP
 Sa eksena kung saan kumakanta si Anna tungkol sa pagbubukas ng palasyo at sa mga bagong mararanasan niya dahil dito, may isang bahagi kung saan nabanggit niya ang tungkol sa kaniyang pinakahihintay na makilala ang "The one." Mula sa kaniyang kanta,

And I know it is totally crazy
To dream I'd find romance
But for the first time in forever
At least I've got a chance

makikita na hangad niya ang makilala ang isang lalaki na iibigin siya sa kung sino siya. Kung titignan pa ang bahaging ito ng kaniyang kanta, mapapansin ang pinapangarap niyang lalaki na magiging sanhi ng kasiyahan niya.
Hindi sa ganitong pag-ibig umiikot ang pelikula ngunit, dito makikita na bagamat tungkol nga ito sa relasyon ng magkapatid, walang kahit anong linya sa kuwento ni Anna ang tungkol sa kaniyang ate. Mas binigyang pansin niya rito ang makakilala ng isang lalaking makapagpapasaya sa kaniya.

PAG-IBIG
            Sinasabi ng mga manonood na dahil sa linyang “You can’t marry a man you just met,” ay masasabing ibang-iba na ito sa mga naunang pelikula ng Disney. Kadalasan, may “love at first sight” sa mga pelikulang ito at sa huli ang dalawa na rin ang magkakatuluyan. Sa simula pa lamang ng pelikula, makikilala ni Anna si Hans, isang prinsipe mula sa ibang kaharian, at agad-agad na mahuhulog ang loob dito. Higit pa rito, nang malaman niya na niloko lamang sila ni Hans para makuha ang trono, napagtanto niya na hindi talaga si Hans ang mahal niya kundi si Kristoff.           
            Oo, pagmamahal sa kapatid ang iniikutan ng pelikula at hindi pagmamahal sa isang lalaki. Oo, wala ring naganap na kasalan sa isang lalaking bagong kakilala pa lamang. Ngunit, hindi maipagkakaila na malaki pa rin ang naging papel ng dalawang lalaki (Hans at Kristoff) sa mga naging desisyon ni Anna. Hindi maitatanggi na naging “saklay” pa rin ng mga desisyon ng babae ang lalaki.

KATAWAN
            Layunin ng peminismo ang bawiin ng mga babae ang kanilang katawan upang hindi ito maging anyo ng kahinaan ng mga babae. Sa gitna ng pelikula, makikita ang pagkakaroon ni Elsa ng lakas ng loob at ng pagiging mapag-isa sa pagtakas niya sa kaniyang desisyon na ilabas ang tunay niyang sarili nang hindi pinapansin ang iniisip ng ibang tao. Bagamat binibigyan nito ng kalakasan ng loob ang mga babae, inilalantad rin ng pagbabago niyang ito ang kaniyang katawan. Mula sa konserbatibong pananamit, napunta sa pagsuot niya ng matataas na heels at pagpapakita ng kaniyang hita. Bagamat layunin nga ng peminismo ang bigyang kapangyarihan ang mga babae, hindi dapat ang katawan ang gamitin upang makamit ito.
Pagkatapos
Bago
















 Hindi maipagkakaila na isang magandang pelikula ang "Frozen" dahil sa mensahe na ipinaparating nito sa mga manonood. Higit pa rito, ipinakita rin nito ang pagmamahalan ng dalawang magkapatid at kung paano naayos ang relasyon nila matapos ang matagal na panahong hindi nag-uusap. 

 Bagamat may mga peminismo ring elemento ang pelikulang ito, mapagkakakitaan pa rin ito ng mga pangyayaring tataliwas sa nais nitong ipahayag. Ngunit, hindi dahil nagpapakita ito ng patriarkal na kaisipan sa lipunan ay hindi na ito maganda.

No comments:

Post a Comment